Arestado ang isang ina sa Maynila nang mahuling ginagamit ang kaniyang anak na sanggol upang itago ang shabu na kaniyang ibenebenta.

Kinilala ang suspek sa ulat "Balitanghali  Weekend" na si Annaliza Aligado.

Naging emosyonal pa si Aligado, yakap-yakap ang kaniyang tatlong buwang sanggol, nang dalhin ng mga opisyal ng Barangay 108, Zone 9, Tondo sa tanggapan ng Manila Police District.

Pahayag ng isang barangay kagawad, matagal nang nakatimbre sa kanila ang pagtutulak ng suspect.

Naaktuhan umano ng mga tauhan ng barangay na nakikipagtransakyon kasama ang kanyang sanggol sa C2 Capulong st., Barangay 108 ang suspek.

Nakatakas umano ang katransaksyon ni Aligado.

Pahayag ng isang barangay tanod, sa medyas ng sanggol itinago ng suspect ang isang sachet ng hinihinalang shabu, at nabisto ito nang kapain ng mga awtoridad ang medyas ng bata.

Hinahanda na ang mga kaukulang kaso laban sa suspek. —LBG, GMA News