Umabot na sa 1,950 ang bilang ng mga Persons Deprived of Liberty na sumuko at nasa kustodiya ng Bureau of Corrections.

Mas mataas ang bilang na yan kaysa sa 1,914 PDL na nasa listahan ng mga heinous crime convict na maagang pinalaya dahil sa maling aplikasyon ng expanded Good Conduct Time Allowance o GCTA.

Ayon kay Department Of Justice Undersecretary Mark Perete sa ulat ni Cecille Villarosa sa Balitanghali ngayong Biyernes, kahit kasi yung mga PDL o convict na wala naman sa listahan ay tinanggap pa rin ng BuCor.

Hindi pa raw kasama sa bilang ng DOJ ang mga sumuko na nasa kustodiya pa ng PNP.

Dahil sobra-sobra ang bilang ng mga surrenderer, minarapat ng DOJ na ipatigil muna sa PNP ang pagtugis at pag-aresto sa mga heinous crime convict na hindi dapat nakinabang sa GCTA.

Paliwanag ni Perete, nais muna nilang linisin ang magulong listahan ng BuCor para na rin mapakawalan agad ang mga convict na hindi naman dapat sumuko.

Aminado rin ang DOJ na maraming mali sa orihinal na listahan ng BuCor kaya nais muna nilang malinis ang listahan para hindi naman daw masayang ang resources ng gobyerno sa pagtugis sa mga indibidwal na hindi naman dapat arestuhin.

Nais din daw nilang maiwasan na malagay sa panganib ang buhay ng mga hindi naman dapat aarestuhin, pati na ang buhay ng mga pulis na magsasagawa ng pag-aresto.

Natatagalan daw ang verification process sa listahan dahil ilan sa mga orihinal na record ng BuCor ay nasa Senado.

Magkagayunman, nagsasagawa na umano ng revalidation ang BuCor at DOJ sa lahat ng mga sumuko.

Halos magdamag umanong tinutukan ng DOJ at BuCor ang paglilinis ng listahan, at kasabay nito, tumatanggap din umano sila ng impormasyon galing sa mga penal farms at penal colony para matukoy kung sinu-sino ang dapat na alisin sa listahan.

Idinagdag pa ni Perete na kahapon ay nailathala na sa pahayagan ang Revised Implementing Rules And Regulations ng Republic Act 10592 o Expanded GCTA Law at ang bagong IRR ay magkakabisa sa October 4. —JST, GMA News