Lima umanong miyembro ng robbery-holdap gang ang patay sa engkuwentro sa Parañaque City Lunes ng gabi.  Isa naman ang sugatan.

Ayon sa ulat ni Katrina Son sa Saksi, nangyari ang engkwentro sa Barangay Tambo nang magpang-abot ang pulis at mga suspek sa kahabaan ng Diosdado Macapagal Boulevard bandang 9:15 p.m.

Nakatakas ang driver ng sasakyan ng mga suspek.  

Ayon kay Police Colonel Robin Sarmiento ng Southern Police District, nagkaroon daw ng police operation at may nahuli ang awtoridad na mga taong pagdadalhan ng baril ng mga suspek.

Nang makikipagkita na ang mga ito sa mga suspek, nakahalata ang huli na may mga pulis sa lugar at agad na nagpaputok.

Narekober sa mga suspek ang iba't ibang klase ng baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa insidente. —Julia Ornedo/LDF, GMA News