Isang criminology student ang na-ospital sa Maynila matapos sumailalim sa umano'y hazing.

Ayon saulat sa "24 Oras", dinala sa Chinese General Hospital nitong Martes ang 18-anyos na biktima matapos ima-stroke habang nasa isang fitness gym.

Nang suriin sa ospital, nakita ang mga pasa ng biktima sa hita, binti at pwet.

Mayroon din umano siyang paso ng kandila sa likod kaya pinaghinalaang sumailalim siya sa hazing.

Nakausap na ng mga pulis ang biktima na hirap pa raw magsalita.

Pero aniya, sumailalim daw siya sa initiation rites ng sinalihang fraternity.

Inaalam na kung sinu-sino ang sangkot sa insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamunuan ng Laguna State Polytechnic University kung saan nag-aaral ang bata. —NB, GMA News