Hindi lang pakikipagtalik, pagbebenta rin umano ng droga ang transaksyon ng dalawang lalaki na naaresto sa buy-bust operation sa Project 4, Quezon City.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, pinapadaan ng mga suspek ang transaksyon sa isang gay dating application.

Sa pamamagitan ng isang pulis na nagpanggap na buyer, nalaman ng otoridad ang "chemfun" o yung pakikipagtalik na may kasamang paggamit ng droga. Dahil dito ikinasa na ang buy-bust operation kung saan target ang isang male nurse.

Nagpositibo ang transaksyon sa A. Luna street sa Project 4 nitong Miyerkoles ng gabi.

Arestado ang target na may edad 34 at ang kapwa lalaking source niya ng shabu.

Ayon sa pulisya, ginagamit ng dalawa ang dating app hindi lang para makipagtalik kundi makapagtulak.

Nakuha sa mga suspek ang apat na gramo ng umano’y shabu na may street value na P27,500.

Aminado ang nurse na suspek na dalawang buwan na siyang gumagamit pero hindi raw siya nagtutulak. —KBK, GMA News