Bahagyang nasaktan si Pangulong Rodrigo Duterte nang maaksidente ito sa sinasakyang motorsiklo nitong Miyerkules ng gabi.

“Sumemplang sa motor si PRRD (Duterte) kagabi habang nagmo-motor,” saad ni Senador Christopher “Bong” Go sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag nitong Huwebes.

Nangyari umano ang insidente sa compound ng Presidential Security Group sa Malacañang Complex.

Pero nilinaw naman ni PSG commander Jose Eriel Niembra na hindi sumemplang kung hindi natumba lang ang pangulo habang sakay ng motorsiklo.

"'Di naman sumemplang. Sumabit lang 1 tire sa obstruction paglabas from garage. It's a trike (3-wheeled) motorcycle ang gamit kaya 'di naman natumba. Masyado mahina patakbo," anang opisyal.

Sabi naman ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, nakatigil na ang motorsiklo nang mangyari ang insidente.

"The President was reaching for his shoe when he fell off his motorcycle that resulted in a minor injury, particularly light bruises and slight scratches, to his elbow and knee," ayon kay Panelo.

Sinabi naman ni Go na nakaramdam din ng masakit sa baywang si Duterte na nagpapahinga na sa Bahay Pagbabago. Magpapasuri din umano ang pangulo sa duktor.

Gayunman, tiniyak ni Panelo na walang dapat ipag-alala sa kalagayan ng pangulo.
"We assure our people that the President is fine, and his recovery entails no major medical procedure," pagtiyak ng tagapagsalita.

Sinabi ni Go na pinayuhan niya ang 74-anyos na pangulo na sa scooter na lang sumakay sa susunod. —FRJ, GMA News