Patay ang isang lalaki matapos barilin sa basement ng KTV bar sa Malate nitong nakaraang Lunes ng gabi, Nobyembre 10.

Depensa ng suspek, self-defense ang nangyari at posible raw na magnanakaw ang biktimang si Ceasar Caballero, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Ayon sa mga imbestigador, Linggo ng gabi nang makarinig ng putok ng baril mula sa basement ang isang empleyado ng KTV bar. Nasa basement ang barracks o tulugan ng mga empleyado.

"Pagtingin niya nga doon, yun na nga nag-aagawan yung biktima at tsaka yung suspek. Tapos pagtingin niya tumakbo na yung suspek na kalaunan nakilala nating si Roman Rey Alvarado," ani Police Captain Henry Navarro, hepe ng Homicide Division ng Manila Police District.

Pasado 1 a.m. nitong Lunes, sumuko sa mga otoridad si Alvarado na empleyado ng KTV bar. Giit niya, self defense ang nangyari. Tatlong beses na raw kasi silang nabibiktima ng magnanakaw.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung pagnanakaw nga ang pakay ng biktima.

Sinampahan na ng kasong homicide si Alvarado.

Wala pang pahayag ang kaanak ng biktima. —KBK, GMA News