Kahit may alarma at nakaparada sa harap ng restaurant, hindi nakaligtas sa "basag-kotse" modus ang isang sasakyan sa Makati City nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing natangay ng kawatan mula sa kotse ang dalawang bag na kinabibilangan ng mamahaling laptop, cellphone at pera.

Kuwento ng may-ari ng kotse, na nakiusap na hindi na pangalanan, pumarada siya sa restaurant sa Jupiter Street dakong 10:00 p.m. nitong Huwebes para kumain.

Pagsapit ng 11 p.m., nag-alarm ang sasakyan at kinalaunan ay nilapitan siya ng isang empleyado at tinanong kung talagang nakabukas ang bintana ng kaniyang kotse.

"Basag 'yung side mirror ba 'yun, 'yung side na salamin na window. Nu'ng nakita namin masyadong malakas 'yung pagkabasag dahil 'yung ibang bubog napunta pa hanggang sa may drivers side," anang biktima.

"Naramdaman din ng may-ari na nag-alarm eh. Paglabas ko, bigla namatay ang alarm... 'Di ko pa napansin na basag kasi akala ko kasi bukas lang eh," sabi naman ng empleyado ng restaurant.

Sa kabuuan, natangay ng mga salarin ang Tinangay ng mga hindi pa matukoy na salarin ang mamahaling laptop, cellphone at pera mula sa sasakyan na naglalaman ng gamit ng may-ari,

Wala na ang mga kawatan nang rumesponde ang mga pulis.

"Ang ginawa lang daw niya [may-ari] in-off 'yung alarm nu'ng tumunog 'yung alarm. Not knowing na may nangyari na sa kaniyang sasakyan," sabi ni Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati Police.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News