Halos wala nang nagtitinda ng galunggong sa Bulungan Fish Market sa Parañaque City nitong Linggo dahil sa taas ng presyo nito. Ang ibang isda naman, nagmahal na rin ng presyo.

Isa lang ang nagtitinda ng galunggong na nakita ng GMA News sa naturang pamilihan nitong Linggo ng madaling araw.

Ang galunggong na babae ay ibinebenta rito ng P240 kada kilo, at P260 kada kilo naman para sa galunggong na lalaki.

Ayon kay Violeta, isang tindera sa pamilihan, nagtinda siya ng galunggong nitong Sabado pero hindi na siya kumuha ngayon.

Mahirap daw kasing ibenta ang galunggong lalo't dumoble na ang presyo nito ngayon.

Kulang daw kasi sa supply nito.

Tumaas naman ang presyo ng iba pang isda sa Bulungan Fish Port kumpara noong nakaraang linggo.

Ang tilapia na dating P80 hanggang P85 kada kilo ay P95 hanggang P100 na kada kilo ngayon.

Ang bangus ay naglalaro sa P140-P170 kada kilo. Tumaas ito ng P5-P10.

Narito ang iba pang mga presyo ng lamang dagat sa naturang pamilihan ngayong Linggo:

  • matambaka: P150-P180 per kilo; dating P120 per kilo
  • dalagang bukid: P160 per kilo; dating P100 per kilo
  • hipon: P400 per kilo; dating P360 per kilo

 

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources noong Biyernes, baka na-manipulate ng ibang traders ang presyo ng galunggong.

Halos kapresyo na ng karne ng baka ang galunggong nitong buwan, dahilan para umiwas na muna ang mga nagtitinda na magbenta nito. —KG, GMA News