Nadakip na ang isang lalaki na nahuli-cam na nanloob sa isang bahay sa Maynila isang araw matapos niyang matangay ang ilang gamit ang pera na aabot sa mahigit P100,000. Pag-amin ng suspek, ipinambili niya ng droga ang bahagi ng kaniyang nakulimbat.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, unang nahuli-cam ang 20-anyos na suspek na si Roel Galicia habang naglalakad sa Barangay 518 sa Sampaloc, Maynila dakong 5:00 am nitong Linggo.

Hindi nagtagal, nakunan naman siya sa ibang video na tumalon mula sa isang bahay at patagong naglakad palayo bitbit ang isang bag.

Nakunan din siyang sumakay sa isang tricycle na dala ang bag pero nagpalit na ng damit.

Natangay umano ng suspek mula sa pinasok na bahay ang cellphone, wallet na may mga ID, ATM card, P25,000.00, at P100,000 pa na pera naman daw sa paluwagan.

Kuwento umano ng biktima sa barangay,  nakita niyang hinalughog ang mga gamit sa ikatlong palapag ng bahay at wala na rin ang pera na nalagay sa closet.

Lumilitaw na puwersahang binuksan ng suspek ang sliding window ng apartment at lumabas siya sa terrace nang tumakas.

Sa follow up operation ng mga pulis, naaresto si Galicia sa Blumentrit, at inamin niya ang ginawang pagnanakaw.

Pero wala raw sa kaniya ang mga ninakaw na gamit at pera dahil kinuha umano ng apat katao na kaaway niya.

Nakuhanan din siya ng P8,000 halaga ng hinihinalang shabu na binili niya damit ang bahagi ng ninakaw niyang pera.

Mahaharap siya sa reklamong robbery at possession of illegal drugs.--FRJ, GMA News