Isang 27-taong gulang na transgender woman ang natagpuang patay ng kaniyang landlord sa Caloocan City noong Sabado.

Ayon sa ulat ni Raffy Tima sa Saksi nitong Huwebes, tatlong araw nang patay si Kyle Estrella bago ito natagpuang patay sa kanyang kwarto sa Barangay 176, Bagong Silang.

Ang katawan ni Estrella, na sa kama nakita, ay nasa advanced state of decomposition na. Dahil rito, hindi matukoy sa autopsy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.

“Sabi po nila sa autopsy wala daw pong bagok, wala daw pong saksak, tapos 'yung mga organs niya nalusaw na," sabi ni Lady Carissa Celi, ang kapatid ng biktima.

Wala ring impormasyon ang pamilya sa maaring dahilan ng pagkamatay ni Estrella. Ani pa nila, wala raw itong nai-kukwentong kaaway o sakit.

“Sobrang bait po talaga nitong kapatid ko. Sana po kung sino po na may alam kung ano po ba talaga yung pinagdadaanan ng kapatid ko, alam naman po nila 'yan," idinagdag ni Celi.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan Police, walang senyales ng forced entry o struggle sa kwarto ni Estrella habang ang posisyon nito sa kama ay tila natutulog lamang.

Idinagdag pa ng mga awtoridad na ang dugong natagpuan sa gilid ng katawan ay body fluids lamang na kumatas sa bangkay na matagal nang hindi nagagalaw.

"Yung pintuan naka-lock po sa loob, malabong-malabo na may makapasok," ani Police Corporal Anastacio Panga, Jr., isang imbestigador.

Ngunit ayon sa mga awtoridad, hindi pa raw nila isasara ang kaso upang malaman ang resulta ng finger nail examination ng biktima.

Mayroon rin posibilidad na mag undergo ulit ang bangkay sa autopsy upang malaman kung natural o hindi ang pagkamatay ni Estrella

Ang mga gamot na natagpuan sa kwarto ni Estrella ay ipinapasuri na rin sa laboratoryo. 

“Yung mga testigo, yung mga huling nakasama, hindi pa namin nakaka-usap,"
sabi ni Panga. —Joahna Lei Casilao/LDF, GMA News