Arestado ang dalawang magkaibigan na magkasabwat umano sa pagbebenta ng marijuana sa Cubao, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Galing pa raw Antipolo City sa Rizal ang magkaibigang sina Julian Solis at Christian Vega na nahulihan ng 40 gramo ng marijuana.

Dahilan ng dalawa, kapwa sila napag-utusan lang.

Nobyembre noong nakaraang taon nang ideklarang drug-cleared ang Barangay E. Rodriguez, pero aminado ang mga tagarito na may ilan pa ring dumarayo sa kanilang lugar para magbenta ng droga.

Ayon kay Marciano Buena-Agua Jr, barangay chairman, marami raw kasing hotel at apartelle sa lugar kaya sila dinarayo.

"Hayaan niyo lang sila dumayo rito para baka sakaling dito natin masakote sila," aniya. —KBK, GMA News