Arestado ang isa umanong scammer Na pati mga proyektong pabahay ng gobyerno ay ginagamit para makapanghuthot ng milyon-milyong piso.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkoles, naaresto ang suspek na si Enriquito Dizon, 65, sa iasng entrapment operation ng National Bureau of Investigation sa isang restaurant sa Quezon City.

Arestado rin agn dalawa umanong kasabwat ni Dizon.

Narekober ng mga operatiba sa tatlo ang P3 milyong marked money.

Ayon sa NBI, lumapit sa kanila ang National Housing Authority matapos lumutang ang isang contractor at ibinisto ang pang-aalok ng pagkorner sa ilang kontrata para sa NHA housing units sa Gumaca at Candelaria kapalit ng P10 milyon.

P3 milyon daw ang hininging downpayment para umusad na at mapunta sa kanila ang proyekto na bahagi ng Build-Build-Build Program ng pamahalaan.

Mariing itinanggi ni Dizon na may kinalaman siya sa umano’y tangkang pag-scam.

Natuklasan din ng NBI na may patong-patong pa na kaso si Dizon dahil sa estafa at Bouncing Check Law. —KBK, GMA News