Sinabi ni Public Works Secretary Mark Villar nitong Miyerkules na hindi interesado ang kanilang pamilya na maging taga-supply ng tubig sa Metro Manila.

“Is my family [interested]? No,” tugon ni Villar sa pulong balitaan sa Malacañang nang matanong mga mamamahayag tungkol sa naturang usapin.

Ang Maynilad at Manila Water ang concessionaire o may hawak ng kontrata sa pagsu-supply ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila.

Pero kamakailan lang, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na kakanselahin niya ang kontrata ng Maynilad at Manila Water kapag hindi nila tinanggap ang bagong kasunduan na inilatag ng gobyerno.

Una rito, inakusahan ni Duterte na sobrang pabor sa dalawang kompanya ang kontrata na nagawa noong mga nagdaang administrasyon at agrabyado umano ang mga mamamayan.

Nang panahon na binabatikos ni Duterte sa kaniyang talumpati ang Maynilad at Manila Water patungkol sa kontrata, nabanggit niya ang pangalan ng mga Villar, na kabilang sa mga negosyo ay ang PrimeWater Infrastructure Corporation, ang namamahala naman sa supply ng tubig sa ilang komunidad sa 36 na lalawigan.

Pero walang direktang pahayag si Duterte na iaalok niya sa mga Villar ang kontrata ng pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila sakaling kanselahin ang kontrata sa Maynilad at Manila Water.

Hindi rin nagbibigay ng pahayag si dating Senate President Manny Villar, sa naturang usapin sa pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila.

Pero ang asawa niyang si Senadora Cynthia Villar, itinanggi na plano ni Duterte na ang pamilya nila ang mamamahala sa supply ng tubig sa Metro Manila sa pamamagitin ng PrimeWater.

READ: Villar denies Duterte aiming for her family to take over water services

Ang Department of Justice ang namahala sa ginagawang paglalatag ng bagong kontrata para sa Maynilad at Manila Water upang tanggapin ang umano'y mga “onerous” provision sa kasunduan.--FRJ, GMA News