Inanunsyo ng mga opisyal ng Amerika, Hong Kong at Macau, na nakapasok na rin sa kanila ang bagong uri ng coronavirus na nagmula sa China.

Sa Amerika, inihayag ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na isang residente nila na bumiyahe sa China ang nagkasakit dulot ng bagong strain ng coronavirus na naging sanhi ng outbreak sa Wuhan sa China.

Umabot na umano sa 300 katao ang apektodo ng virus at anim na ang nasawi sa China.

Naghahanda na umano ang CDC na posibleng madagdagan pa ang kaso sa US. Itinaas na nila ang travel alert mula sa Wuhan sa level 2. Dahil dito, pinapayuhan ang mga bibiyahe sa Wuhan na iwasan ang "contact"  sa mga maysakit at maging sa mga hayop.

"We do expect additional cases in the United States and globally," sabi ni Dr. Nancy Messonnier, CDC respiratory diseases expert.

Tinutukoy na rin ng CDC ang mga taong nakasalamuha ng taong nagkaroon ng naturang virus para alamin kung may sintomas din sila ng sakit.

Bukod sa US, may naitala na ring kaso ng naturang virus na hindi pa batid kung anong uri sa South Korea, Thailand at Japan.

Sa Pilipinas, isang batang Chinese ang minomonitor na kumpirmadong may coronavirus pero hindi pa batid kung katulad ba ito ng virus na mula sa China.

Kumalat na rin sa iba pang lugar ng China ang virus na umabot na sa Hong Kong at Macau. May naitala na rin sa kapitolyo nito na Beijing at sa Shanghai.

Ang pasyente umano sa Hong Kong, sakay umano ng high-speed railway mula sa mainland China. Dinala siya sa Queen Elizabeth hospital para masuri hanggang sa makompirma na taglay niya ang virus.

Kabilang ang Hong Kong sa matinding tinamaan noon ng isang uri ng Coronavirus, na pinagmulan ng nakamamatay na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) noong 2003.

Batay sa tala ng World Health Organization, 1,755 katao sa Hong Kong ang tinamaan ng SARS virus nang panahong iyon at 299 ang namatay. --Reuters/FRJ, GMA News