Patay ang isang pulis na miyembro ng PNP-Special Action Force nang pagbabarilin siya ng dalawang salarin na nakatakas sakay ng motorsiklo. Ang krimen, nangyari sa restaurant na pag-aari ng kapatid  ng biktima sa Malate, Maynila.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Police Staff Sergeant Roel Orihuela, miyembro ng PNP-SAF na nakatalaga noon sa Mindanao.

Kamakailan lang daw ito nakitira sa kaniyang kapatid sa Malate dahil pinagrereport daw ito sa Camp Crame.

Pero dakong 9:00 p.m. nitong Huwebes habang nanonood ng telebisyon sa restaurant ng kapatid, nilapitan ng mga salarin ang biktima at biglang pinagbabaril ng apat na ulit.

Hindi raw namukhaan ng kapatid ng biktima ang mga suspek dahil naka-bonnet at may takip umano ang mukha ng mga ito.

Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Samuel Pabonita, station commander, MPD-Station 9, wala umanong maisip na dahilan ang kapatid ng biktima kung bakit pinaslang ang pulis.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.--FRJ, GMA News