Dalawang pulis-Marikina ang inaresto ng kanilang mga kabaro matapos umanong magsumbong ang dalawang babaeng inmate na hinalay sila ng mga suspek. Katwiran naman daw ng dalawang dinakip na pulis, pumayag daw ang mga biktima sa nangyari.

Sa press briefing nitong Martes, kinilala ni olice Major General Debold Sinas, hepe ng National Capital Region Police (NCRPO), ang mga dinakip na pulis na sina Patrolman Arnold Moscosa Geroy at Patrolman Sonny Baccay Maruzzo.

"We would like to report sa inyo, 'yung dalawang pulis ng Marikina were charged for rape," ani Sinas. "Ang maganda dito kasi ang kumuha dito sa dalawang pulis ay kapwa pulis din... Sila po ay na-assign sa Marikina City Police Station sa special operating unit ng istasyon."

Batay sa impormasyon, sinabi ni Sinas na naganap ang pang-aabuso sa mga biktima noong Marso 29 sa opisina kung saan ipinatawag ng mga suspek ang dalawang babae.

"Dinala sa opisina... From there sa opisina nila, minolestiya sila ng dalawang pulis..." ani Sinas.

Nang palabasin na, kaagad umanong nagsumbong ang mga biktima sa nagbabantay sa custodial facility, na ipinarating naman sa hepe ng Marikina Police.

"Pag-release nu'ng dalawang pulis sa dalawang babae, pagdating sa custodial facility, nagsumbong 'yung babae sa guwardiya na ni-rape sila ng dalawang pulis," sabi pa ni Sinas.

Inamin umano ng mga suspek ang nagawang krimen pero idinahilan nila na pumayag naman daw ang dalawang babae, na hindi binanggit kung bakit nakulong.

Mahaharap sa kasong rape ang dalawang pulis na nakakulong sa piitan ng Marikina.--FRJ, GMA News