Nasawi ang isang frontliner na babaeng doktor matapos siyang mabangga ng isang trak habang nagbibisikleta sa Pandacan, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Dr. Ma. Teresa Dajao y Ballat, 54, may asawa, nakatira sa may Saint Louie Compound, Balagtas, Pandacan, Maynila, ayon sa ulat ng Manila Police District.

Nangyari ang insidente sa President Quirino Avenue kanto ng West Zamora 4:20 hapon ng Miyerkules. Parehong binabaybay ng biktima at isang trak ang northbound lane ng Pres. Quirino Avenue.

Pagdating ng biktima at ng trak sa kanto ng West Zamora Street, tumama na ang harap ng trak sa likuran ng bisikleta ng biktima. Dahil sa lakas ng pagkabangga, bumulagta ang biktima sa kalsada at nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan.

Kinilala ang suspek na si Jeffrey Macayon, 36 anyos, may asawa, at nakatira sa Sampalucan, Nueva Ecija.

Naisugod pa sa Ospital ng Maynila ang biktima pero kalaunan ay nasawi rin, ayon sa kaniyang mga kaanak.

Dinala ni Patrolman Ian Mark Benson Rance Male ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)  ang suspek sa mga awtoridad bandang 7:30 ng gabi din ng Miyerkules.

Mahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Pinagluluksa ng Lungsod ng Maynila sa pagpanaw ni Dajao na medical officer IV ng Manila Health Department.

 

“The City of Manila mourns the passing of Dra. Dajao and deeply values her significant contributions in providing the highest standard of health care for Manileños,” pahayag ng Manila Public Information Office.—AOL, GMA News