Nangunguna na ang Pilipinas sa dami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19)  sa Southeast Asia matapos na maunahan ang Indonesia. Ngayong Huwebes, iniulat ng Department of Health (DOH) na 119,460 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 makaraang madagdagan ng panibagong 3,561.

Nitong Miyerkules, umabot sa 116,871 ang kaso ng COVID-19 sa Indonesia na mayroong average na 1,850 new infections sa bawat araw nitong nakalipas na isang linggo.

Sa Pilipinas, umabot na sa ikawalong araw na mayroong higit 3,000 daily new cases.

Ang limang lugar na mayroong pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay ang Metro Manila (2,041), Laguna (222), Cebu (221), Cavite (100), at Rizal (81).

Samantala, nadagdagan naman ng 569 ang mga gumaling sa virus para sa kabuuang bilang na 66,837. Umakyat naman sa 2,150 ang mga nasawi makaraang madagdagan ng 28.—FRJ, GMA News