Hindi obligadong magdala ng COVID-19 vaccination card at negative result ng RT-PCR o antigen test ang mga boboto sa May 9, 2022 elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabi ni Comelec commissioner George Garcia, na kailangan lang magsuot ng face masks ang mga magtutungo sa kani-kanilang presinto para bumoto.
Pagkatapos makaboto, pinayuhan ng opisyal ang publiko na umuwi na at huwag nang umistambay pa sa presinto o paaralan dahil may banta pa rin ng COVID-19 sa bansa.
“‘Wag ninyo pong i-underestimate ‘yung protocol ng Comelec. Siyempre po maghihigpit ngayon ang Comelec at baka after ninyong bumoto ay kayo ay palalabasin na para kayo’y makauwi na. Hindi na kayo puwedeng magpatambay tambay sa loob at magkwentuhan kung sino ang pinagboboboto ninyo at hindi ninyo binoto,” ayon sa opisyal.
Sinabi rin ni Garcia na mayroong isolation polling places para sa mga botanteng may nararamdamang COVID-19 symptoms sa araw ng halalan.
Una nang hinikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga botante na sumunod sa itinatakdang minimum public health standards sa araw ng halalan para maiwasan ang muling pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Sa hiwalay na panayam sa ANC, sinabi ni Garcia na bagaman hindi ipinagbabawal ang magdala ng cellphone sa loob ng polling precincts, hinikayat nito ang mga botante na huwag gamitin ito sa loob para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan.
“Outside, pagkatapos [bumoto] puwede mong ipakita na you are inked. While inside, let’s refrain because that’s a formal thing that is happening. There are several rules and regulations inside,” anang opisyal.—FRJ, GMA News