Hinuli ang dalawang lalaking magkapitbahay na mga suspek sa mga insidente ng pagnanakaw sa kanilang lugar sa Project 4, Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Joshua San Luis, 35 anyos, at David Christian Justin Valdez, 23 anyos, na nadakip sa Brgy. Masagana.

Pareho silang may arrest warrant para sa kasong pagnanakaw.

Pagkahuli sa mga suspek, nabawi ng mga pulis ang ilang kagamitan na pagmamay-ari ng kanilang mga kapitbahay.

Kabilang sa mga nabawing gamit ang isang laptop, mga relo at samu't saring bag. Natukoy ng isang residente na sa kaniya ang laptop.

Nahirapan noong una ang barangay na matukoy ang mga salarin sa CCTV dahil madilim sa lugar ng bahay na kanilang pinagnakawan.

Pangatlong beses nang makukulong ni San Luis, samantalang ikalawang beses na ni Valdez.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek. —Jamil Santos/LBG, GMA Intergrated News