Anim katao ang nasawi, kabilang ang bise alkalde ng Aparri, Cagayan, sa nangyaring pananambang sa Bagabag, Nueva Ecija nitong Linggo. Inaalam naman ng pulisya kung may mga kabaro silang kasangkot sa krimen.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, kinilala ni Police Major Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station, ang biktima na si Vice Mayor Rommel Alameda.
Nangyari umano ang krimen dakong 8:45 a.m. sa Sitio Kinacao sa Barangay Beretbet. Sakay ng Starex van ang mga biktima at papunta sa Maynila nang tambangan sila ng hindi bababa sa anim na salarin.
"On going ang hot pursuit operation laban sa mga suspek na nakasakay sa Adventure na puti," ayon kay Abrogena.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend," sinabing base sa impormasyon, pauwi na ang grupo ng bise alkalde at galing sa Maynila nang mangyari ang pananambang.
Sa text message, kinilala ng Nueva Vizcaya police ang iba pang biktima na sina Alexander Agustin Delos Angeles, Alvin Dela Cruz Abel, Abraham Dela Cruz Ramos, John Duane Banag Almeda, at Ismael Nanay.
Samantala, inihayag ng Nueva Vizcaya Provincial Police Office, na iniimbestigahan nila kung may mga pulis na sangkot sa ambush.
Batay umano sa testimonya ng ilang saksi, nakauniporme ng pulis ang mga suspek at may red license plate ang sinakyan ng mga ito na Adventure. —FRJ, GMA Integrated News