Kumpirmado umanong isinakay sa inabandonang pulang SUV ang nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon matapos na mag-match sa DNA profile ng kaniyang mga magulang sa dugo at buhok na nakita sa naturang sasakyan.
“Hair strands at blood na nakita dun sa sasakyan ay nag-match dun sa DNA profile na binigay ng magulang ni Ms. Catherine Camilon,” ayon kay PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Romeo Caramat Jr., sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes.
Dahil dito, sinabi ni Caramat na nagsasabi ng totoo ang dalawang saksi tungkol sa nakita nilang babae na duguan na inilipat sa nasabing pulang SUV.
“’Yung mga witness natin ay di nagsisinungaling. There is a corroborative evidence na talagang nakita nilang babae na binubuhat ng mga suspek natin ay certainly si Ms. Camilon,” ayon sa opisyal.
“Mas bumigat yung kaso na sinampa natin doon sa mga suspek dahil nagtutugma 'yung mga sinabi ng mga witnesses natin,” dagdag niya.
Patuloy pa rin umano ang mga awtoridad sa paghanap ng forensic evidence laban sa mga suspek.
“Our PNP forensic chemists are trying to examine para makapag-lift ng finger prints para i-match dun sa mga nasampahan natin mga suspects,” sabi pa ni Caramat.
Una rito, sinampahan ng PNP ng reklamong kidnapping at serious illegal detention sina Police Major Allan de Castro, driver at bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa kaugnay sa pagkawala ni Camilon mula pa noong Oktubre 12.
Ilang linggo makaraang mawala si Camilon, nakita ang pulang SUV na inabandona sa Barangay Dumuclay, Batangas City.
May mga blood swab at hibla ng buhok na nakita sa sasakyan. Upang malaman kung kay Camilon ang naturang dugo at buhok, kumuha ng sample ang mga awtoridad sa kaanak ni Camilon para ikumpara.
Ayon sa dalawang saksi, may nakita silang babaeng duguan na inilipat sa isang pulang sasakyan, na tugma ang paglalarawan sa inabandonang SUV.
Huling nakita si Camilon na naglalakad sa loob ng isang mall sa Bauan, Batangas noong Oktubre 12.
Ayon sa CIDG, inamin na umano ni de Castro na karelasyon niya si Camilon.
Batay sa impormasyon na nakuha ng CIDG, si de Castro umano ang katatagpuin ni Camilon nang araw na mawala ito para makipaghiwalay na dahil may pamilya na ang pulis.
Bukod sa reklamong isinampa sa piskalya, nahaharap din sa kasong administratibo si de Castro na maaaring maging dahilan para masibak siya sa serbisyo.--FRJ, GMA Integrated News