Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki dahil sa panggagahasa umano sa 14-anyos niyang anak-anakan sa Quezon City. Ang suspek, itinanggi ang mga paratang sa kaniya.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natunton ng pulisya ang 27-anyos na suspek sa pinapasukan niyang trabaho sa naturang lungsod.

Subject siya ng warrant of arrest para sa mga kasong two counts ng qualified rape at two counts ng acts of lasciviousness.

Nangyari umano ang krimen Mayo at Hulyo noong nakaraang taon sa Barangay Krus na Ligas.

Ang suspek ang ikatlo sa most wanted persons list sa QCPD Station 9.

Hindi umano alam ng lalaki na may warrant laban sa kaniya.

“Ang mga sinampa po sa aking kaso, hindi po ‘yun lahat totoo. Nakapag-submit din naman po ako ng counter-affidavit which is naka-attach din naman po doon ‘yung mga ebidensiya ko po na hindi ko po ginawa ‘yung bagay po na ‘yun,” anang suspek.

“Hindi ko po inaasahan na may warrant po agad kasi ang pagkakaintindi ko po parang magkakaroon po muna ng hearing,” dagdag niya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News