May pagkakataon ngayon ang Pinoy challenger na si Vincent Astrolabio na agawin kay Junto Nakatani ng Japan ang WBC world bantamweight belt.

Maghaharap ang dalawa sa July 20 sa balwarte ni Nakatani sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan.

Si Astrolabio, may fight record na 19-4, kasama ang 14 knockouts, ang no.1 rated bantamweight ng WBC at mandatory challenger sa hawak na belt ni Nakatani.

"We are always ready and we are training. We are not going to waste this opportunity. We hope to win this fight for Filipinos," sabi sa GMA News Online ni Nonoy Neri, head coach ni Astrolabio.

Samantala, hindi pa nakakatikim ng talo si Nakatani, na may record na 27-0, at 20 rito ang knockouts.

Kasama sa mga pinatumba ni Nakatani ang dating Mexican champ na si Alexandro Santiago, na inagawan niya ng bantamweight belt nang maglaban sila nito lang nakaraang Pebrero. --mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News