Nasa bansa ngayon ang 90's boyband na A1 na nakahandang haranahin ulit ang Pinoy fans para sa kanilang 20th anniversary o "Reunion" tour.

Sinabi ng British–Norwegian group na espesyal sa kanila ang Pilipinas dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy, ayon sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes.

"We would just like to say a massive salamat and thank you from us, for all of your support. We love you guys! And it's thanks to you that we're back here together in Manila again," anang grupo.

Ipe-perform nina Paul Marazzi, Ben Adams, Mark Read, at Christian Ingebrigtsen ang kanilang mga top hits tulad ng "Everytime," "Like A Rose" at "Take On Me."

Mapapanood ang A1 Oktubre 21 at 22 sa Kia Theater.

Plano ng A1 na pumunta sa Boracay matapos ang tour para mag-relax. — LA, GMA News