Matapos idiskuwalipika ng 2nd Division ng Commission on Elections (Comelec) si Edu Manzano bilang kandidatong kongresista sa San Juan dahil umano sa pagiging American citizens, nanindigan ang aktor na Filipino siya at nananatili siyang kandidato na puwedeng iboto sa May 13 elections.


Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dalawa sa tatlong miyembro ng 2nd division ng Comelec ang bumoto pabor sa petisyon kontra sa kandidatura ni Manzano.

Sa petisyon for disqualification, sinabi ng complainant na si Sophia Patricia Gil, na nawala ang pagka-Filipino citizen ni Manzano nang magsilbi ang aktor sa US Air Force.

Pero paliwanag ni Manzano, sa Amerika nga siya ipinanganak pero Filipino ang kaniyang mga magulang kaya dual citizen siya.

At kahit nagsilbi siya sa militar ng Amerika noong panahon ng Vietnam war, hindi raw nawala ang kaniyang Filipino citizenship.

Dati na rin umanong kinuwestiyon ang Filipino citizenship ni Manzano nang tumakbo siyang vice mayor ng Makati noong 1998. Pero nagpasya na umano noon ang Comelec en banc at maging ang Korte Suprema na isa siyang Filipino.

Paliwanag ni Manzano, tulad ng kaso niya ngayon, diniskuwalipika rin siya noon ng Comelec division kaya umapela siya sa Comelec en banc at inayunan naman ang kaniya panig na Filipino siya.

Nang iakyat umano sa SC ng nagpetisyon laban sa kaniya ang pasya ng Comelec en banc, kinatigan pa rin ng SC ang pasya ng Comelec.

Sinabi ni Manzano na ang SC ang pinakamataaas na korte sa bansa at hindi maaaring baliktarin ng Comelec ang desisyon nito.

"Bakit ngayon one week before election [inilabas ng 2nd division ang desisyon], na kung tutuusin ang epekto lang niyan, umaasa silang maapekto sa aking kandidatura ko sa media, it was more of media gimmick," ayon sa aktor.

Gaya ng ginawa niya noong 1998, maghahain din umano si Manzano ng motion for reconsideration sa Comelec en banc.

Sinabi pa ni Manzano, na konektado at campaign manager ng kalaban niya sa eleksyon na si San Juan Rep. Ronaldo Zamora ang naghain ng disqualification case sa kaniya na si Gil.

Sa hiwalay na ulat, kinumpirma ni Zamora na campaign manager niya si Gil pero wala umano siyang kinalaman at wala siyang utos na magsumite ng disqualification case laban kay Manzano. -- FRJ, GMA News