Inihayag ni Herbert Bautista ang mga plano niyang gawin kapag nagtapos na ang kaniyang panunungkulan bilang alkalde ng Quezon City sa Hunyo 30. Ang isa sa kaniyang mga balak, magbalik sa showbiz.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ang inauguration ng senior high school building ng Flora Ylagan High School ang isa sa mga huling aktibidad ni Herbert bilang alkalde ng lungsod.

Kahit matatapos na ang kaniyang termino bilang alkalde, sinabi ni Herbert na masaya siyang magpapahinga sa public service.

"I'm very much fulfilled kasi 'yung nine years ko as mayor, 'yung 12 years ko as vice-mayor, 'yung six years ko as councilor,  total of about 33 years, nakapag-ambag tayo sa unti-unting pag-unlad ng ating lungsod," ayon kay Herbert.

Umaasa siya na magkakaroon siya ng pagkakataon na bumalik sa showbiz kapag naging citizen Herbert na siya.

"I hope magkaro'n ako ng trabaho sa entertainment industry because du'n kami lumaki," saad niya. "Hopefully after my term may mga project na pumasok na babagay naman sa akin."

Bukod sa pag-arte, nais din daw niyang subukan ang mag-host.

"Ire-rehearse ko muna 'yung hosting sa mga maliliit na okasyon, 'di ba? 'Yung mga... sa ibang mga events. Hosting sa tv, puwede rin. Puwede akong maging alalay ni 'Wowowin," patungkol ni Herbert sa programa ni Willie Revillame.

Maliban sa pagbabalik-showbiz, gusto rin daw ng alkalde na mag-aral para matapos ang kaniyang doctorate degree sa public administration.

"Kasi gusto mo ring mag-artista at the same time so baka merong pag-aartistang once or twice a week, tapos kukuha ko ng mga ibang subjects ng once or twice a week din. so that's ok," paliwanag niya.-- FRJ, GMA News