Ipinakilala na ang mga artistang makakasama sa muling pagtatambal sa bagong teleserye nina Ken Chan at Rita Daniela.

Inihayag din ni Ken na "One of the Baes" ang napiling titulo ng bago nilang proyekto.

Ipinakita ni Ken sa kaniyang vlog entry ang mga makakasama niya sa series, na kinabibilangan din nina Tonton Gutierrez, Amy Austria, Edgar Allan Guzman, Pauline Mendoza, Archie Alemania, Maureen Larrazabal, Buboy Villar at That's My Bae Kenneth Medrano.

Kasama rin sa cast si Roderick Paulate, na balik-telebisyon matapos mabigo sa vice mayoral race sa Quezon City nitong nakaraang halalan.

 

Muling magtatambal sina Ken at Rita sa "One of the Baes" matapos ang tagumpay ng kanilang "BoBrey" love team sa hit afternoon series na "My Special Tatay."

Sa nakaraan nilang serye, gumanap si Ken bilang si Boyet na may mild intellectual disability with mild Autism Spectrum Disorder, habang naging prostitute naman na nagbago si Rita.-- FRJ, GMA News