Inanunsyo ni Mark Herras sa pamamagitan ng kaniyang "status" sa social media na "in a relationship" na siya. Ang babae na nakabihag sa puso ng aktor, ang co-star niya sa Kapuso series na "Bihag" na si Nicole Donesa.

Bagamat hindi sila on-screen partner sa naturang serye, naging usap-usapan na may magandang namamagitan sa dalawa dahil sa ilang larawan na makikitang magkasama silang lumalabas.

Makikita rin sa Instagram account ni Nicole ang mga larawan nila ni Mark.

Ang isang larawan nila, may caption ito na "Na Bihag."

Nitong nakaraang Pebrero, nakumpirma ang paghihiwalay nina Mark at Winwyn Marquez matapos ang dalawang taon nilang relasyon.

Bago nakapasok sa showbiz, naging 3rd Princess si Nicole  sa Miss World Philippines noong 2014.

 

 

--Jamil Santos/FRJ, GMA News