Matapos gumanap bilang si Ding na sidekick ni "Darna" Marian Rivera noong 2009, sunud-sunod na ang mga proyekto ng dating child star na si Buboy Villar sa Kapuso Network. Maliban dito, nakatanggap din siya ng international award sa pagganap niya bilang batang Manny Pacquiao.

Sa programang Tunay Na Buhay, binalikan ni Buboy ang mga GMA shows na pinagbidahan niya. Ilan sa mga ito ang Panday Kids (2010), The Half Sisters (2014), I Will Always Love You (2018) at TODA One I Love (2019).

Ayon kay Buboy, minahal niya ang show na "Darna," lalo't ang Kapuso Primetime Queen pa ang pumili sa kaniya na maging si Ding.

Samantala noong 2015, nakatanggap ng pagkilala si Buboy sa Guam International Film Festival sa pagganap niya bilang ang batang si Manny Pacquiao sa pelikulang "Kid Kulafu."

"'Yung Kid Kulafu talagang 'yun 'yung pinakauna ko na nasa Hollywood ako. Kasi talagang 'yung sa staff, 'yung training nila sa akin, 'yung preparation, iba. Preparation ko, isang buwan bago 'yung shoot namin," saad ni Buboy. — Jamil Santos/MDM, GMA News