Kabilang sa mga kilalang teen stars noong 90s at ngayo'y magaling na aktres ng kaniyang henerasyon, hindi inakala ni Angelu de Leon na magkakaroon siya ng kondisyon na Bell's Palsy.

Sa programang Pinoy MD, inilahad ni Angelu na mga early 2000 noong una niya itong maranasan. Nag-aalmusal siya noon at pagkatapos uminom ng tubig, napansin niyang nag-squirt ang tubig mula sa kaniyang bibig.

Nang tingnan ni Angelu ang sarili sa salamin, naramdaman niyang bumibigat ang kanang bahagi ng kaniyang mukha.

Inilahad ng neurologist kay Angelu na Bell's Palsy ito, na posibleng nakuha niya nang minsang ayusin niya ang vent ng air-con habang siya'y pagod at puyat, at nabugahan ng hangin ang kaniyang mukha.

Bumalik din sa normal ang mukha ni Angelu matapos ang dalawang linggo.

Pero naulit ang insidente noong 2016 nang magpunta ang kaniyang pamilya sa Boracay matapos niyang manggaling sa Europe. Pagod din daw siya noon at mainit pa ang panahon.

Nagpapahinga si Angelu at paghigang paghiga niya, naramdaman niyang sumara ang kaliwang mata niya. Dahil sa taranta, tinanong niya ang kaniyang ina kung may nangyayari sa kaniyang mukha, pero sumagot ito na wala naman.

Hindi natuloy ang Bell's Palsy pero naramdaman ulit ito ni Angelu matapos ang pitong araw. Nasa simbahan naman siya nang naramdaman niyang bumibigat ang kaliwang bahagi ng kaniyang mukha.

Nang bumalik sa neurologist, dito na sumailalim sa MRI si Angelu para maalis ang posibilidad ng stroke.

Tumagal nang dalawang buwang gamutan ang Bell's Palsy ni Angelu.

"Grabe 'yung effect niya sa tao kasi instant deformity 'yung makikita mo. You would have things in your head na 'Babalik ba?' 'Yun ang mga nakakatakot. Emotionally na kailangan mong tatagan ang sarili mo kasi hindi mo alam eh, hindi mo talaga alam kung babalik ba siya nang normal, kung it will stay that way forever," saad ni Angelu.

Panoorin kung ano nga ba ang Bell's Palsy, ano ang mga sintomas nito at sino ang mga taong madalas tamaan ng ganitong kondisyon. — Jamil Santos/DVM, GMA News