Inihayag nina Jeric Gonzales at Klea Pineda ang real score sa kanilang dalawa matapos na marami ang nakapapansin sa kanilang closeness at nakakikilig na social media posts.

Maging sa bonding nila kasama ang mga blogger, hindi rin naitago ang matamis na pagtitinginan nina Klea at Jeric, ayon sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.

May mga pagkakataon na magka-holding hands ang dalawa na ikinatuwa ng mga blogger.

Makikita sa Instagram ni Jeric na magkasama sila ni Klea habang nasa harapan ng Magellan's Cross sa Cebu. Mayroon din siyang larawan ni Klea na may caption na "I could not ask for more."

Mayroon ding post si Klea sa kaniyang Instagram ng larawan ni Jeric.

"Actually ngayon mas kilala na namin 'yung isa't isa kasi mas nag-uusap na kami," saad ni Klea. "Happy kami sa ganu'n. Siguro baby steps natin, 'wag muna natin madaliin."

Natanong si Jeric kung dini-date niya ba si Klea.

"Nag-a-ask na ako sa kaniya," pag-amin ni Jeric, sabay sabi na nagustuhan niya sa dalaga ang passion and determination nito sa lahat ng bagay.

Nagsimula ang pagiging close nina Jeric at Klea sa set ng upcoming soap nilang "Magkaagaw."

Ayon sa dalawa, nag-click sila dahil pareho nilang nakahiligan ang pagmo-motor at adventure trips, at naging mas close pa sila nang magsimula na silang mag-shoot ng mga eksena ng "Magkaagaw" sa Cebu.

"Halos lahat ng scenes namin doon parang namamasyal lang kami, so hindi namin na-feel masyado na nagtatrabaho kami. So 'yung ginagawa namin doon, nagtatawanan lang kami, kami 'yun," paliwanag ni Klea.

Pinasyalan nina Klea at Jeric ang ilang landmarks sa Cebu, kabilang ang Fort San Pedro, Magellan’s Cross at ilan pang simbahan.

Inilahad ni Jeric ang highlight ng Cebu trip nila ni Klea.

"Yung mga small things na magkasama kami sa plane, magkatabi kami, 'yon. Tapos sa simbahan, na first time kong nakapunta sa Magellan's Cross, sobrang dream ko talaga tapos siya pa 'yung kasama ko," anang aktor.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News