Bibida si Janine Gutierrez sa pelikulang "Babae At Baril," na kasali sa QCinema International Film Festival 2019.

Sa Star Bites report ni Lhar Santiago sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing bukod sa "Babae At Baril," nasa 70 pelikula at mga documentary din ang mapanonood ngayong linggo hanggang Oktubre 22 sa ilang malls sa Quezon City.

Ang "Babae At Baril" ay kuwento ng buhay ng isang babaeng probinsiyana, na nagbago ang buhay dahil sa isang baril.

"Wala eh, wala pa akong ganitong character... Pinakikita 'yung power ng isang babae," saad ni Janine.

Sa direksyon ni Rae Red, kasama rin sa pelikula sina JC Santos, Felix Roco, Elijah Canlas, Sky Teotico, Ruby Ruiz, Archie Adamos, at Allan Paule.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News