Dahil hindi nakita sa pre-pageant activities at presentation ng mga kalahok ng Miss Grand International sa Venezuela ang pambato ng Pilipinas na si Samantha Ashley Lo, hindi maiwasan ng ilang pageant fans at mga kapwa-beauty queen, nag-aalala.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, sinabing noong October 9 pa umalis ng bansa si Samantha at nag-post pa sa Instagram ng kaniyang pre-departure photo.

Sa send-off party para kay Bb. Pilipinas International Bea Patricia kanina, magtanong at kinumusta ng ilang miyembro ng media ang lagay ni Samantha.

"She’s ok but let’s wait. Kasi hindi ko rin alam kung ano yung nangyari," sabi ni Bea.

Sabi naman ni Bb. Pilipinas Supranational Resham Saeed, limitado rin ang alam nila tungkol sa nangyayari kay Samantha.

Umaasa raw si Sesham na makalalaban pa rin si Samantha dahil pinaghandaan daw nito ang naturang kompetisyon.

Pero higit daw sa lahat, masaya raw silang malaman na ligtas siya.

Ang pananahimik daw ngayon ni Samantha ay maaring senyales na gusto nito ng privacy at patuloy siyang sinusuportahan ng kaniyang Binibini sisters.

"We will fully support Sam on whatever endeavour that she has right now the least thing that we should do is you know be there for her," sabi ni Gazini Ganados, Miss Universe Philippines 2019.

Nakahanda naman daw ang runners-up na humalili kay Samantha kung sakaling magkaproblema.

Patuloy na kinukuhanan ng pahayag ng GMA News ang Binibining Pilipinas Charities Incorporated tungkol sa kalagayan ni Samantha pero wala pa rin silang opisyal na pahayag.-- FRJ, GMA News