Wala mang leading man, sinabi ni Janine Gutierrez na hindi niya naramdamang nag-iisa habang ginagawa ang pelikulang "Babae At Baril." Ikinuwento rin niya na kailangan niyang "ipagpag" ang karakter niya sa isang TV series bilang paghanda sa palaban niyang role sa pelikula.

"I feel like kasi in a way kasi naging character din 'yung baril eh, so I didn't feel so alone, alam mo 'yun? Parang literal [na] 'Babae at Baril,'" sabi ni Janine sa panayam ng GMANetwork.com.

 

Ang "Babae At Baril" ay iikot sa isang probinsiyang saleslady na walang kamuwang-muwang sa buhay. Ngunit magbabago ang lahat dahil sa napulot niyang baril.

Nagpasalamat si Janine sa cast at crew ng Babae at baril na naka-bonding niya habang ginagawa nila ang pelikula.

"It felt like such a group effort on set kasi nga para kaming girl gang na talagang lahat ng tao sobrang hardworking, sobrang efficient. Napakahusay, ang dami-daming bagong perspective na natutunan ko, nalaman ko," ani Janine.

"Super team effort siya so I didn't really feel alone," dagdag pa niya.

Kuwento ni Janine, may mga adjustment din siyang ginawa sa acting sa pelikula dahil nasanay na siya sa acting sa TV matapos ang Kapuso series na "Dragon Lady."

"More than anything, kailangan mong i-strip 'yung mga na-acquire mong habits sa teleserye. Kasi I did this after Dragon Lady and ang Dragon Lady parang seven months kong ginawa, basta matagal."

"So parang kailangang mong ipagpag 'yung Scarlet Del Fuego (karakter ni Janine sa Dragon Lady) bago ka makagawa nang bago. Tapos sobrang iba pa nu'ng character. So as much as possible, tinry ko lang talagang magpagpag," saad pa niya.

Women empowerment daw ang mensahe ng Babae At Baril.

"Kaya nating lumabang mga babae, hindi dapat binabalewala ang kakayahan ng babae and I hope maka-leave din siya ng impressions sa mga manonood na kaya and dapat," sabi ni Janine.

Mapanonood ang Babae At Baril sa mga sinehan sa Quezon City.

 

 


--FRJ, GMA News