Inihayag ni Divine Tetay na nakaranas siya ng pambubugbog noon sa kaniyang dating karelasyon na mas mataas at malaki sa kaniya.

"Siguro sa love life dati, 'yun 'yon," kuwento ni Tetay sa programang "Mars Pa More."

"Buti I was able to, you know, finish... Although tumagal siya ng four years and four months. 'Yun 'yung he is bigger than me, he is taller than me, 'yung binubugbog, 'yung sinasaktan niya ako," pagpapatuloy ng komedyante.

"Sa laki kong ito ha... Pero napakasaya ko dahil wala na," dagdag niya.

Pinapayuhan ngayon ni Tetay ang mga kaibigan na umiwas din sa ganoong klase ng relasyon.

"And then I learned sobrang daming aral sa ganoon, tapos 'yung mga kaibigan ko na may ganoong situation, sinasabi ko rin na itigil na nila 'yon, hindi maganda ang pananakit."

Binigyan naman daw ni Tetay ng maraming chances ang kaniyang ex.

"Puwede namang daanin sa usapan pero meron siyang something na 'click,' pumitik, na so many chances nang binigay pero wala na. Ang pasalamat ko na lang, I was able to get out of that relationship," anang komedyante.

"It's really not good guys, mga mars hindi siya maganda, ever," paalala ni Tetay sa publiko.--FRJ, GMA News