Ikinuwento ng bagong Kapuso na si Myrtle Sarrosa ang karanasan sa una niyang taping sa longest running gag show sa bansa na "Bubble Gang."

Sa contract signing ni Myrtle sa GMA Network kamakailan, pinasalamatan niya ang GMA executives sa ibinigay na pagtitiwala sa kaniya.

"Pero gusto rin nila akong i-open pa ng ibang doors of opportunities in performing on stage, in doing dramas, doing comedies. Kaya ako na nga 'yung halos everyday ngayon may work sa kanila, nagugulat na lang ako," saad niya.

Natuwa raw si Myrtle na makasalamuha sa unang pagkakataon ang cast ng "Bubble Gang."

"Sobrang bait nilang lahat. Kasi first time ko na, nahihiya pa sana ako sa kanilang lahat pero pagpasok ko pa lang doon, napaka-warm na ng welcome nila sa akin," kuwento niya. "Tapos may mga ginagawa kaming mga kalokohan doon na mga, kabaliw-baliwan na mga sayaw."

"Tapos first time ko na lahat ng Bubble Gang girls nanonood sa akin. Tapos pinapalakpakan nila ako, nagtatawanan kami kasama 'yung isa't isa. Sabi ko talaga sa kanila, 'Ganito ba talaga 'pag taping, ang saya saya!" dagdag ni Myrtle.

Kaya naman daw sobrang na-enjoy ni Myrtle ang samahan ng mga bumubuo sa "Bubble Gang" na napapanood tuwing Biyernes ng gabi.

Nagtaping na rin daw si Myrtle para sa "Tadhana" kasama si Jak Roberto.--Jamil Santos/FRJ, GMA News