Kahit kinasusuklaman si Elijah Alejo sa kaniyang maldita role bilang si Brianna sa Kapuso series na "Prima Donnas," inihayag ni Aiko Melendez na malayong-malayo ang pag-uugali ng teen star sa tunay na buhay.

"Si Elijah po ay isa sa mga napakamabuting bata. Sa mga hindi nakakaalam, napakatalino niyan, honor student 'yan. Napagsasabay niya ang pag-aaral at pagtatrabaho," sabi ni Aiko sa vlog ni Elijah.

Ginagampanan ni Aiko sa "Prima Donnas" ang role bilang si Kendra, ang konsintidor na ina  ni Brianna.

Ayon kay Aiko, magandang tularan si Elijah ng kaniyang mga estudyanteng fans.

"Kaya sana kayong mga estudyante na followers niya dito sa kaniyang vlog sa YouTube, tularan niyo siya dahil hindi kayo magsisisi na siya ang in-idolize niyo," anang batikang aktres.

Samantala, sinabi ni Aiko na malapit nang matapos ang kanilang serye pero hindi raw sila magpapabuking na mag-ina.

"Never kaming papayag na mabubuking kami ni Brianna. Mag-e-end na ang show bago kami mabuking. Never!," saad ni Aiko.

Ayon pa sa aktres, dapat abangan sa "Prima Donnas" kung darating din ba ang paghihirap nina Kendra at Brianna.

Sa episode ng serye nitong Miyerkules, palalabasin ni Kendra kina Jaime at Lilian na naka-move on na siya upang maisagawa na niya ang susunod niyang plano na ikasisira ng kaniyang karibal.--FRJ, GMA News