Bagaman noong Enero pa natanggap ni Kris Bernal ang kaniyang Silver Play Button mula sa YouTube kamakailan lang daw ito nabuksan ng aktres. Ibinahagi rin niya kung magkaano ang una niyang kinita sa vlog at saan niya ito ginamit.

Sa video na ipinost ni Kris sa unboxing ng kaniyang Silver Play Button, namangha ang aktres sa ganda ng naturang bigay ng Youtube.

Ibinibigay ang Silver Play Button kapag umabot na sa mahigit 100,000 ang subscribers ng vlog,

Kuwento niya, hindi niya kaagad nabuksan ang ipinadala ng Youtube dahil sa pagiging busy. Kasabay nito ay inihayag niya na P20,000 ang natanggap niyang kita sa naturang pagbi-vlog.

“'Yung first income ko sa YouTube, which is P20,000...mga $400. Thank you kasi hindi n'yo ini-skip 'yung ads at thank you dahil nanonood kayo,” saad ng aktres.

Ang naturang halaga ay idinonate daw niya sa mga animal welfare group.

“Yung first income ko dinonate ko siya sa iba't ibang animal welfare organizations kasi mahilig nga ako sa aso and may alagang akong pusa,” dagdag niya.

Inihayag din ni Kris ang mga plano pa niyang gawin sa kaniyang Youtube channel.

--FRJ, GMA News