Inihayag ni Bea Alonzo na kahit isa siya sa mga pinakamaningning na bituin sa showbiz industry, hindi siya tumitingin sa estado ng buhay o career ng kaniyang nobyo na si Dominic Roque.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Bea na "happiness" at "contentment" ang nasa isipan niya nang ipakita sa kaniya ni Tito Boy ang mga larawan nila ni Dominic.

Muling inilahad ni Bea na napag-uusapan na nila ni Dominic ang kanilang future. Nang tanungin ng nadadaanan ba nila ang pagpapakasal, sagot ng aktres, "Siyempre naman. I'm already in my 30s, so hindi puwedeng hindi mapag-uusapan 'yun."

Mula rito, tinanong ni Tito Boy kung napag-uusapan nila nina Bea at Dominic ang tungkol sa mga estado ng kanilang buhay dahil sikat na ang aktres, habang working actor naman si Dominic.

"Hindi. At never akong tumingin sa estado ng isang lalaki kahit kailan," sabi ni Bea.

"Meron ngang iba diyan, ang ganda on paper, napagdaanan ko na rin, ang cute namin on paper pero hindi naman talaga nagwo-work," biro pa ng Kapuso actress.

Nang tanungin ni Tito Boy kung sino ang tinutukoy niya, natatawang sabi ni Bea, "Alam na natin 'yon. Baka mamaya makagat-kagat na niya 'yung dila niya.

Para kay Bea, ang sukatan niya ng success ay kaligayahan.

'Yung sa amin ni Dom, it was never an issue for me. People, iba-iba 'yung basehan natin eh. People would always tell me 'Dapat nagde-date ka ng someone more successful than Dom' or whatever.' But how do you really measure success?" anang aktres.

"Ang measure mo ay...?" tanong ni Tito Boy.

"I am happy," sagot ni Bea. —Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News