Itinuturing "refreshing" ng King of Talk na si Boy Abunda ang pagpapakita ng mga senador na tao rin sila sa ginawa nilang sandaling biruan sa sesyon ng Senado tungkol sa lovelife ng kanilang kasamahan na si Senador Francis "Chiz" Escudero, mister ni Heart Evangelista.

Sa segment na “Today's Talk” ng programang "Fast Talk with Boy Abunda," inihayag niya ang kaniyang saloobin tungkol sa pagbibiro ng mga senador kay Escudero, na tila nagpapahiwatig na maayos ang lagay ng lovelife nito ngayon.

Ayon sa mga senador, napansin nila ang pagiging masaya at masiglang aura ni Escudero na matagal na raw nilang hindi nakikita sa mukha ng mister ni Heart.

"Together with each and every member of this body, I would like to warmly welcome our colleague and my seatmate, Senator Chiz. First time in a long time we’ve seen that smile on his face with a wonderful aura and I think if there is anything we learned from this, love is worth fighting for," saad ni Senadora Grace Poe sa kaniyang pagbati kay Chiz.

Paliwanag ni Senate President Miguel Zubiri, sinuspinde niya ang kanilang sesyon para magbigay-pugay kay Chiz.

"I wanted to go down and also give a big hug to my dear friend and classmate in Congress. We believe in second chances," sabi ni Sen. Zubiri.

"Mr. President, we heart Chiz!" hirit naman ni Sen. Joel Villanueva.

Sa naturang episode ng programa ni Tito Boy nitong Huwebes, inihayag ng King of Talk na, “It’s refreshing to see senators pay tribute to love.”

“Ang reaksyon ko ay, alam ko sanay tayo na napapanood ang intense debates, disagreements sa Senado, lalo na sa floor. Pero ito’y refreshing, and you realize that they are human beings like us. Human beings prone to love, to laughter, to lokohan. At natutuwa ho ako dahil hindi natatakot ang ating mga senador to share with us ‘yung kanilang humanity,” ayon kay Tito Boy.

“Ang pinag-uusapan dito, they paid tribute to the power of love today,” dagdag niya.

Inihayag ni Tito Boy na nakausap niya sina Senator Chiz at Villanueva.

“Sabi ni [Senator] Joel, ‘Nakakatuwa kasi matagal na panahong hindi namin nakikita na nakangiti si Chiz. And finally, kahapon, kakaiba ‘yung ngiti.’ Noong niloloko nila, iba ‘yung blush, nagba-blush talaga,” pagbabahagi ni Tito Boy na sinabi sa kaniya ni Sen. Villanueva.

Nagkomento rin si Sen. Chiz tungkol sa pagbibiro sa kaniya ng mga senador.

“When I spoke to Chiz… Sabi nila ‘Oo nga eh, pinaglololoko nga nila ako, wala naman silang alam,’” sabi ni Tito Boy base sa pahayag umano ng senador.

Matapos nito, inimbitahan ni Tito Boy sa programa si Heart Evangelista, na magdiriwang ng kaniyang kaarawan sa Pebrero 14.

Matatandaang naging usap-usapan na nalagay umano sa alanganin ang relasyon nina Heart at Chiz nang aminin noon ni Heart na dumadaan siya sa maraming personal na pagsubok at matapos nito, kumuha na siya ng apartment sa Paris.-- FRJ, GMA Integrated News