Hindi napigilang umiyak ni Kiray Celis nang ilahad na maging ang kaniyang pamilya ay hindi nakaiwas sa mga basher, partikular na ang kaniyang mga magulang.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes, sinabi ni Kiray na napipikon siya noon kapag idinadamay sa pambabatikos sa kaniya ang kaniyang pamilya.

“Kapag tungkol sa family. Kapag binabastos ‘yung mama ko, ‘yung papa ko, ‘yung mga kapatid ko,” sabi ni Kiray, na nagsimulang maging emosyonal.

“Ang babaw ko agad wala pa ngang tinatanong, sabi ko huwag akong iiyak eh,” biro ni Kiray sa sarili.

“Pero kapag sarili ko, [hindi ako apektado],” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Kiray, nasasaktan siya sa tuwing sinisisi ng ilang tao ang kaniyang ina tungkol sa pagpo-post niya ng mga sexy na larawan o video.

“Hindi ko maisip kung ano ‘yung mga sinasabi. Basta kapag nagsabi lang ng hindi maganda Tito Boy, nahu-hurt ako agad. Kunwari nag-post ako ng sexy tapos sasabihin sa mama ko, ‘Hindi ka yata naturuan ng mama mo ng maganda kaya ka ganiyan,’” kuwento ng aktres.

Giit niya, ginusto niya ang mag-post ng sexy at walang kinalaman dito ang kaniyang ina.

“Pero ‘yung totoo, para sa akin, ginusto ko ‘yun, hindi naman ‘yun sa mama ko. Post ko ‘yon, hindi naman ‘yon account ng nanay ko, ‘di ba? Magulat kayo kapag nag-post ng two-piece ang mama ko,” anang Kapuso comedienne.

Ngayon, hindi na pinapansin ni Kiray ang mga basher dahil sa katwiran niya, "Hindi naman ako nagkakapera sa kanila."

"At tsaka, ang mga nangba-bash na yan, updated sila. At saka hindi ka naman iba-bash kung hindi ka nila kilala. So thankful ako na kilala nila ako," dagdag ni Kiray. --FRJ, GMA Integrated News