Napag-alamang short circuit sa electrical box ng tren ang dahilan kung bakit nagkaaberya sa MRT-3 Guadalupe Station noong Setyembre 6, na  nagpatigil sa buong operasyon ng nasabing pampublikong sasakyan ng ilang oras.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “QRT” nitong Huwebes, sinabing ito ang lumabas sa findings ng pag-iimbestiga ng MRT-3 at service provider nito na Sumitomo.

Ayon kay Engineer Oscar Bongon, Engineering Division Chief ng MRT-3, nawala sa alignment ang contact point sa electrical box na nasa ilalim ng tren, kaya nagkaroon ng short circuit ang magbibigay ng power sa train operator.

Dahil dito, bumagsak ang electric box pati ang cable na nagsu-supply ng kuryente.

Nagresulta ito sa problema sa power ng MRT kaya natigil ang operasyon hanggang maibalik kinahapunan.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sinabi ni Engineer Michael Capati, Operations Director ng MRT-3, na ang pagkawala sa alignment ng contact point ng electrical box ay dahil sa luma na ang mga tren at kailangan nang palitan.

Puspusan ang ginagawa ngayong maintenance ng MRT-3, na hindi pinaaalis sa depot at pinatatakbo sa linya ang mga tren na hindi maayos.

Pero hindi pa rin maiwasang magkaaberya kapag nasa tracks na raw ang mga tren dahil sa masamang kondisyon ng riles.

Siniguro ng MRT-3 na kahit magkaroon ng short circuit, mayroong safety measures para hindi mapahamak ang mga pasahero.

Hinikayat nila ang publiko na kapag nangyari ang mga aberya ay huwag silang mag-panic.

Ayon pa kay Capati, kailangan na ng overhauling ng mga tren dahil 19 taon na ang tanda ng mga ito.

Dalawampu’t anim na buwan ang itinakda para sa overhauling at 22 buwan pa ang nalalabi kasama na ang pagpapalit ng mga riles.

Kapag natapos ang full rehabilitation, tatakbo na ulit hanggang 60 kph ang bilis ng MRT-3 mula sa 30 kph. Mula 15 ay magiging 20 rin ang mga bibiyaheng tren.

Magiging 3.5 minuto na ang headway o tagal ng pagdating ng tren mula pitong minuto, at ang ridership ay maitataas mula 300,000 tungo sa 600,000.

Samantala, tatlo na ang pasado sa test ng mga bagong tren ng MRT-3 na gawa sa Dalian, China.

Ngunit kung kelan ito paaandarin sa linya, depende pa sa pinal na usapan ng DOTR at Sumitomo.

Pinag-aaralan na ring palawigin ang oras ng biyahe ng MRT-3 ngayong "Ber months" pero sabi ni Capati, mangangahulugan naman iyan ng bawas sa oras na ginugugol nila para sa full rehab ng mga tren at riles. — Jamil Santos/BAP, GMA News