Ikinalugod ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ikalawang extension ng amnesty program na ipinatupad ng United Arab Emirates (UAE) para sa mga undocumented Filipino na nandoon.

Sa pahayag na inilabas ng DFA, hinikayat nila ang mga Pinoy na hindi dokumentado sa UAE na samantalahin ang programa upang makauwi na sila sa Pilipinas.

Ang panibagong deadline sa pinalawig na amnesty program ay magtatapos sa December 31.

Inabisuhan na umano ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi at Consulate General sa Dubai sa pamamagitan ng Home Office, na magsasagawa ng masusing kampanya ang awtoridad ng UAE laban sa mga dayuhan na lalabag sa kanilang residency laws.

Mula nang ipatupad ng UAE ang kanilang amnesty program noong Agosto, sinabi ng DFA na mahigit 2,700 Pinoys na ang nagpasailalim sa programa at nakauwi na sa bansa.-- FRJ, GMA News