Hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na payagan ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Libya na makauwi at mapagbakasyon sa bansa, at pagkaraan ay pahintulutan muling bumalik sa kanilang trabaho.

Sa pahayag ng DFA, sinabing nakapaloob sa sulat na ipinadala ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr. kay Labor Secretary Silvestre Bello III,  na humihiling na iendorso sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang kaniyang rekomendasyon tungkol sa mga OFW sa Libra.

Sa naturang rekomendasyon, nais ni Locsin na huwag isama sa umiiral na deployment ban sa Libya ang mga OFW na kasalukuyang nagtatrabaho na roon at may mga valid at existing contract.

Kasama rin sa rekomendasyon na huwag nang isama ang mga OFW na nasa Pilipinas pero may babalikang trabaho sa Libra ngunit inabutan ng "ban." 

Ipinatupad ang "ban" nang itaas ng DFA sa 3 ang Alert Level sa Libya noong Setyembre kasunod ng nangyaring kaguluhan sa Tripoli noong Setyembre.

Sakaling pagbigyan, ang mga OFW na masasakop ng bagong exemptions ay kailangan umanong magsumite ng kopya ng kanilang employment contract, kasama ang kanilang sahod at benepisyo, at sulat mula sa kanilang employer o sponsor na humihiling na pabalikin sila sa trabaho, at gagarantiyahan ang kanilang kaligtasan.

Dapat din magsumite ang OFW at kanilang kaanak ng sinumpaang pahayag na batid nila ang peligrong nakapaloob kapag bumalik sila sa kanilang trabaho sa Libya.-- FRJ, GMA News