Sampung saksak sa lalamunan at dibdib ang sinasabing tinamo ng isang overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia na kapwa-OFW umano ang may gawa. Ang suspek, sugatan din matapos na saksakin umano ang sarili.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, makikita ang duguan at wala nang buhay na katawan ng biktimang si Monico Basco Manansala nang makita ng kaniyang mga kapwa-Pinoy sa ikatlong palapag ng tinitirhang gusali sa Riyadh.

Sa hagdanan naman makikita ang kapwa-Pinoy na sinasabing  nanaksak kay Manansala na duguan din matapos umanong saksakin ang sarili at tumalon pa.

Nag-iinuman daw ang dalawa bago mangyari ang pananaksak.

Ayon kay Kaye, asawa ng biktima, katatapos lang nilang mag-chat ng kaniyang mister nang mangyari ang trahediya.

Nakatakbo pa raw ang biktima pero hinabol pa rin ng suspek.

Tinangka rin daw saksakin ng suspek ang mga taong nais na awatin siya.

Nasa ospital pa sa ngayon ang suspek at inoobserbahan dahil sa tinamong sugat, ayon sa embahada ng Pilipinas  sa Saudi Arabia.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa pagpatay pero sinabi ni Kaye na pinagbibitangan daw ng suspek ang kaniyang mister na sinisiraan siya nito.

Nakikipag-ugnayan na ang Overseas Worker's Welfare Administration sa mga kaanak ng biktima. -- FRJ, GMA News