Kasabay ng pakikiramay, tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teddy Locsin Jr., ang tulong ng pamahalaan para maiuwi ng bansa ang mga labi ng bagong kasal na OFWs na nasawi nang malunod sa Maldives.

READ: Bagong kasal na OFW, nasawi nang malunod sa Maldives habang nasa honeymoon

Sa isang pahayag ng DFA, inatasan ni Locsin ang Philippine Embassy sa Dhaka, na siyang may hurisdiksyon sa Maldives, na makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon para maisaayos ang pagpapabalik sa mga katawan nina Leomer at Erica Joyce Lagradilla.

Kinumpirma naman ng parehong pamilya ng mga biktima ang pahayag ng DFA.

"Hindi po kami pinaalis ni Secretary Boy hangga't hindi po niya pinipirmahan sa harap namin. 'Yun po ay assurance na 101 percent na maiuuwi po ang bangkay ng aking anak at ng aking manugang nang wala pong gastos," saad ng ama ni Leomer.

"Nagre-rely ako sa DFA na maiuuwi nila as much as possible," dagdag pa ng ama ni Leomer.

"In behalf of my family po, maraming maraming salamat, ngayon po ay may assurance na po kami, nakita na po namin 'yung liwanag na ilang araw, ilang gabi din kaming hindi mapakali. Ngayon po, mag-aantay na lang po kami na kung kailan po namin makikita 'yung kanilang mga labi," saad ng tita ni Erica Joyce.

"Nagpapasalamat po kami sa lahat, lalong lalo na po dito sa DFA. Kung hindi po dahil sa kanila hindi pa rin po kami mapapakali dahil ilang araw na po na ang isip namin is paano po namin madadala ang bangkay ng mag-asawa dito sa atin sa 'Pinas?" dagdag pa niya.

Inihayag din ng parehong pamilya nina Leomer at Erica Joyce na hindi pa nila natatanggap ang buong report tungkol sa insidente sa pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay.

"Kasi marami ang kuwento na kesyo sabi raw ng hotel mayroon daw life vest na suot, pero nu'ng pinresent na 'yung anak ko, wala eh, wala siyang suot eh. Kaya nagulat kami, ano ba ang totoo? Ang amin lang, siyempre 'yung totoo lang kung ano ang nangyari," saad ng ama ni Leomer.

"'Yun pong mga nakakarating, 'yun namang pinuntahan nila is as in talagang mababaw. Ang hindi lang po namin maisip, paano po sila napapunta doon sa, 'di po ba Maldives open sea?" ayon naman sa tita ni Erica Joyce.

"Ang isa po sa ipinagpapasalamat ng pamilya namin, sila po ay hindi napapunta sa gitna ng dagat. Sila po ay talagang dinala sa tabi para po may makakita kung ano po ang kalagayan nila. Kasi kung hindi po sila nadala, kung wala pong nakakita at hindi sila nadala dito sa pampang, baka hanggang ngayon po hindi natin alam kung ano pong development," dagdag ng tita ni Erica Joyce.

Sinabi ng ama ni Leomer na sa Japan sana magpupunta ang mag-asawa, ngunit hindi tinanggap ang aplikasyon ni Erica Joyce kaya sa Maldives na lamang sila pumunta.

"Nag-message sa akin 'yung anak ko, nasa airport na sila, nagulat na lang po kami dahil wala po sa plano, nabigla po kami lahat," sabi ng ama ni Leomer.

Sinabi pa ng ama ni Leomer na sinubukan niyang i-message ang anak noong Sabado, ngunit hindi ito sumagot. Kinagabihan, doon na nila natanggap ang malungkot na balita.

Emosyonal din ang mga magulang nina Leomer at Erica Joyce sa pag-alaala sa kanilang mga anak.

"Wala akong masabi dahil kung sasabihin ko lahat, mahirap, mahirap i-describe ang anak ko. Ang experience niya nu'ng time na kami ay nagsasama nang pinalaki ko siya, walang ibang puwedeng sabihin na hindi maganda sa anak ko dahil napakabait ng anak ko, napaka-supportive sa amin," sabi ng ama ni Leomer.

"Ang anak kong si Erika, siya lang ang sumusuporta sa amin, siya lang ang bumubuhay sa amin, siya lang talaga," ayon naman sa ina ni Erica.

Batay sa lumabas na mga ulat, nangyari ang trahediya sa mag-asawa sa ikalawang araw nang kanilang bakasyon habang nag-i-snorkeling sa Dhiffushi island.
Sinagip sila ng mga resort workers ngunit idineklarang dead on arrival sa lokal na ospital.

Parehong taga-Laguna ang mag-asawa, na kakakasal lamang noong Disyembre 18. Umalis sila ng Maynila para sa kanilang bakasyon at honeymoon nitong nakaraang Enero 9.

Nagtrabaho sa Singapore ang 29-anyos na si Leomer, habang sa Saudi Arabia naman si Eka, 30-anyos.

Una rito, humihingi ng tulong ang pamilya ng mga biktima dahil aabot daw sa P1.2 milyon ang gastos para maiuwi sa bansa ang kanilang mga labi.-- FRJ, GMA News