Hindi pa rin nasasagip ang isang OFW sa Damman, Saudi Arabia na nagpapasaklolo dahil sa paulit-ulit umanong pangmamaltrato ng kaniya ng amo.

Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA-RTV Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nitong nakaraang weekend ay nakaranas muli ng pagmamalupit ang OFW na nagtatrabahong domestic helper.

Nakipagsapalaran umano ang OFW sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang tatlo niyang anak sa Dagupan City, Pangasinan.

Noong una, maayos naman daw ang pakikitungo ng amo sa OFW pero nagbago raw ang ugali nito nang malapit na siyang umalis.

"Palagi daw siyang sinasaktan, pinapalo, sinisipa, ginuguyod. Noon, ayos naman noon pero noong malapit na siyang umalis, ganoon na ang ginagawa sa kaniya," kuwento ng ina ng OFW.

Kahit gutom, napipilitan pa rin daw magtrabaho ang OFW at nasa dalawa hanggang tatlong oras lang daw ang pahinga.

Kinuha pa raw ng amo ang passport ng OFW.

Ayon pa sa ina ng OFW, nais na ng kaniyang anak na makauwi at idinadaing na raw niya ang sakit sa katawan na nararamdaman dahil sa dinadanas na pagmamalupit ng amo.

Sinabi umano ng OFW na may tumawag na sa kaniyang taga-embahada pero wala pa raw siyang nakukuhang balita mula sa Overseas Worker's Welfare Administration.

Pero nauna nang sinabi ng administrador ng OWWA na si Hans Leo Cacdac na, "Meron po tayong isasagawa o maaaring isagawang pagsagip at pagsasaayos ng pagpapauwi. We will also gather information about who her Philippine recruiter is. We will of course contact our labor attache and welfare officer on the ground." -- FRJ, GMA News