Inaalam pa umano kung sino ang salarin sa pagkamatay ng isang overseas Filipino worker sa Kuwait na binugbog at pinagsamantalahan pa. Pero batay sa mga impormasyon, ang amo nito ang nagdala sa biktima sa ospital.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing May 14 nang dalhin sa ospital sa Kuwait ang 47-anyos na domestic worker na si Constancia Lago Dayag, tubong-Isabela.

Batay sa nakuhang impormasyon ni Labor Secretary Silvestre Bello III, binugbog at pinagsamantahan ang biktima, na unang nakipagsapalaran sa Kuwait noong 2016.

Inatasan na umano ni Bello ang Philippine Overseas Employment Administration na alamin ang recruitment agency ni Dayag para makakalap ng mga dagdag na impormasyon tungkol sa biktima.

Pero napag-alaman na ang Irekrut Manpower Incorporated ang unang nag-deploy kay Dayag sa Kuwait noong 2016 bilang domestic helper.

Ayon sa Irekrut, maayos daw na natapos ni Dayag ang kontrata nito sa employer at sa agency. Umuwi siya ng bansa noong Enero 2018 at wala naman daw naisumbong na pananakit o pangmamaltrato ng mga amo.

Bumalik daw si Dayag sa amo nito sa Kuwait sa pamamagitan ng pamamagitan na ng Balik- Mangagagawa. Ibig sabihin, siya na ang nag-proseso ng kaniyang overseas employment certificate.

Dahil natapos na ang kontrata niya sa agency, nawalan na rin sila ng komunikasyon kay Dayag hanggang sa makatanggap sila ng tawag tungkol sa kaniyang sinapit.

Ayon umano kina Bello at Irekrut, wala pang matibay na ebidensya sa ngayon na magsasabing ang employer ni Dayag ang pumatay sa kaniya.

Pero ang amo umano nito ang nagdala kay Dayag sa ospital.

Samantala, nakiusap muna ang anak ni Dayag na bigyan sila ng pagkakataon na makapagluksa. Pero nais nilang maiuwi sa lalong madaling panahon ang mga labi ng kanilang ina at mabigyan siya ng hustisya.

Sinabi ni Bello na naiparating na nila pamahalaan ng Kuwaiti ang sinapit ni Dayag.

Ayon sa kalihim, posibleng ibalik ang deployment ban sa Kuwait, na ipinatupad ng Pilipinas kasunod ng pagkakatuklas sa bangkay ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer noong 2016.

Nagkaroon din noon ng diplomatic crisis nang almahan ng Kuwait ang pag-rescue ng gobyerno ng Pilipinas sa ilang OFW na biktima ng pang-aabuso.

Natapos ang krisis at inalis ang deployment ban nang pumayag ang Kuwait sa kondiyon ng Pilipinas na magkaroon ng mga kasunduan para mabigyan ng proteksyon ng mga OFW.-- FRJ, GMA News